LGU-Kidapawan City magbibigay ng tulong sa mga distressed Kidapawenyo Overseas CENTRAL MINDANAO-Magbibigay ng Php10,000 na tulong pinansyal ang City Government para sa mga umuwing Kidapawenyo Distressed Overseas Filipinos na uuwi sa lungsod mula sa ibang bansa.
Nakapaloob bilang kapital sa itatayong maliit na negosyo ng mga distressed OFโs ang tulong sa ilalim ng paunang Php 300,000 na pondo ng City Government.
Makakatulong na ang halagang nabanggit na makapagsimula ng dahan-dahan ang mga KIdapawenyong nakaranas ng pang-abuso o di kaya ay nagkasakit o naaksidente na hindi na makakapagtrabahong muli sa ibang bansa.
Nais ni City Mayor Joseph Evangelista na hindi lamang tulungang makauwi ang mga Kidapawenyong distressed OF kungdi ay maalalayan din sila na maka-ahon at magkaroon ng maliit na kabuhayang pwede nilang maitaguyod sa hinaharap.
Una ng tinulungan ni Mayor Evangelista ng ilan sa mga OF na taga lungsod na makauwi sa bansa matapos dumanas ng pang-aabuso ng kanilang amo o di kaya ay nagkasakit at naaksidente sa bansang kanilang pinag-tatrabahuan.
Upang maisakatuparan ito, ipinag-utos ng alkalde na ang tulong pinansyal ay idaan sa pamamagitan ng City Cooperative Development Office sa ilalim ng livelihood assistance program nito.
Katuwang ng City Coop Development Office ang Public Employment Services Office sa screening ng OF at processing ng tulong pinansyal.
Maaring sumangguni ang mga distressed OF sa nabanggit na mga tanggapan ng City Government para makatanggap ng tulong.