CENTRAL MINDANAO – Nakahanda na ang City Government of Kidapawan na maglagay ng mga alternatibong Covid-19 vaccination hubs sakali mang matuloy ang pagbubukas ng klase sa September 2021.
Napagkasunduan ng Local Inter Agency Task Force o LIATF ng lungsod na ilipat ang mga lugar kung saan ginaganap ang mga pagbabakuna kontra Covid-19 kapag gagamitin na saka-sakali ng mga private schools ang kanilang pasilidad na ipinagamit sa City Government.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni City Mayor Joseph Evangelista sa LIATF na makipag-ugnayan sa pamunuan ng With Love Jan Foundation Incorporated na ilipat muna pansamantala ang vaccination hub ng lungsod sa Barangay Nuangankung saan isang Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) ang nakatakdang pasiyaan sa loob ng linggong ito.
Ang hakbang ay bunga na rin ng paghahanda ng city government lalo pa at inaasahang magpapatupad na ng limited face to face classes ang mga kursong medical ng Kidapawan Doctors College, Notre Dame of Kidapawan College at ilan pang kolehiyo sa lungsod.
Sinabi naman ng DepEd na hindi muna sila magpapatupad ng face to face classes sa mga elementary at high school sa opening ng academic year.
Bagkus, itutuloy muna nila ang blended learning habang hindi pa naaabot ang herd immunity na bilang ng mga nabakunahan, ayon pa sa DepEd Kidapawan Schools Division sa meeting ng Local IATF umaga ng July 19, 2021.
Sa ganitong pamamaraan ay hindi matitigil ang vaccination ng mga eligible population laban sa COVID-19, ani pa ni Mayor Evangelista.
Samantala, ibinahagi rin ng alkalde sa local IATF na pwede ng tumanggap ng Pfizer at Gamaleya Sputnik Corona Virus vaccines ang lungsod mula sa DOH. Ito ay dahil may bago ng refrigerated vans ang city government na may kakayahang magpalamig ng mga bakuna sa negative 70 degrees Celsius na kinakailangang temperatura para maging epektibo laban sa COVID-19.
Malaking tulong ang mga ito para makamit ng city government ang target nitong mahigit sa isang-libong vaccine jabs kada araw, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Sa kasalukuyan ay tanging SinoPharm at AstraZeneca Coronavirus vaccines ang mga itinuturok ng city government sa eligible population ng lungsod laban sa COVID-19.