CENTRAL MINDANAO-Binigyan tulong ng City Government ang may 141 na mga hog raisers sa apat na barangay na tinamaan ng African Swine Fever o ASF.
Ginawa ang pamimigay ng ayudang pinansyal nitong November 18, 2020 sa Mega Tent ng City Hall kung saan ay nakatanggap ng tulong ang mga hog raisers na apektado ng ASF mula sa mga barangay ng Linangcob, Mua-an, Sikitan at Gayola.
Bawat ulo ng baboy na kinatay ang halaga ng tulong pinansyal na ipinaabot ng City Government.
Nasa P500 per head ng suckling pig, Php 1000 sa grower at Php 2000 sa mga inahin at barako ang tulong pinansyal na tinanggap ng bawat hog raiser.
Layun ng pamimigay ng tulong na maalalayan ang mga hog raisers sa kanilang kabuhayan gayung hindi pa sila pinapayagan ng Lokal na Pamahalaan na mag-alaga ng baboy hanggang sa kasalukuyan.
Maala-alang isinailalim ng Office of the City Veterinarian sa ‘culling’ ang mga alagang baboy ng nabanggit na bilang ng mga hog raisers matapos magkaroon ng kaso ng African Swine Fever sa mga hog farms sa mga nabanggit na barangay.
Nagdulot ito ng pagkalugi sa mga nag-aalaga ng baboy kung kaya at naghanap ng paraan ang City Government na matulungan na dahan-dahang makabawi ang mga apektadong hog raisers.
Naibigay ang tulong pinansyal matapos pumayag ang Sangguniang Panlungsod sa kahilingan ni City Mayor Joseph Evangelista na maglaan ng kaukulang pondo.
Patuloy naman na nakikipag-ugnayan ang OCVET sa Cotabato Provincial Government para mabigyan din ng kahalintulad na tulong ang mga apektadong hog raisers ng lungsod.