CENTRAL MINDANAO- Nanawagan ngayon ang City Government of Kidapawan sa lahat ng mamamayan ng lungsod na makiisa sa obserbasyon ng National Disaster Resilience Month ngayong buwan ng Hulyo 2021.
Sa pamamagitan ng NDRRMC Memorandum number 61 s. 2021, muling ginugunita ang National Disaster Resilience Month sa buong bansa kung saan hinihikayat ang lahat na maging aktibong kabalikat ng pamahalaan sa mga programang may kaugnayan sa disaster preparedness, mitigation, adaptation at resilience.
Sa Kidapawan City, patuloy na hinihikayat ni City Mayor Joseph Evangelista ang lahat na huwag kalimutan ang mga aral na idinulot ng October 2019 earthquakes.
Bagamat, dahan-dahan ng nakakabangon ang lungsod mula sa kasiraang idinulot nito, mas mainam pa rin na maging sapat ang kahandaan ng lahat sa posibleng pagtama muli ng lindol.
Dapat ding ugaliin ng lahat na tiyaking matibay ang ipinatatayong mga istraktura, gumamit ng angkop na building materials, at sumunod sa mga itinatakda ng batas lalo na ng National Building Code of the Philippines.
Kaugnay nito, dapat din na mapagmatyag ang lahat sa posibleng landslides at flashfloods gayung nasa wet season na ang bansa sa kasalukuyan at inaasahan ang patuloy na mga pag-ulan.
Nakasentro din ang Disaster Resilience month sa paglaban kontra Covid19 pandemic kung kaya at dapat sumunod ang lahat sa mga itinatakdang minimum health protocols at magpabakuna na rin kontra sa sakit.
Tema ng 2021 National Disaster Resilience Month ay โ Tamang Pamamahalaโt Kahandaan, Kaalaman at Pagtutulungan sa Sakuna at Pandemyaโy Kalasag ng Bayanโ.