CENTRAL MINDANAO-Pinuri ng Department of Health (DOH) ang mahusay na pamamalakad ng City Government of Kidapawan sa kampanya nito kontra Covid19.
Kapwa pinuri nina DOH Undersecretary Dr. Abdullah Dumama, Jr. at DOH 12 Regional Director Dr. Aristides Concepcion Tan ang pagsisikap ni City Mayor Joseph Evangelista at buong pamunuan ng City Government sa ginawang Blessing at Turn-over ng bagong P10 million na Temporary Treatment and Monitoring Facility o TTMF sa Barangay Nuangan ng lungsod ngayong araw, July 22, 2021.
Binigyang diin ni Usec. Dumama ang agarang pagtugon ni Mayor Evangelista sa pagtiyak may angkop na pasilidad ang lungsod na siyang tutulong sa mga nagkasakit ng Covid19 gaya na lamang ng pagtatayo ng nabanggit na pasilidad at pagpapatupad ng mga interventions na nagresulta sa paglimita ng bilang ng mga kaso ng naturang sakit sa Kidapawan City.
Kumpara sa iba pang mga Lokal na Pamahalaan sa lLalawigan ng Cotabato at sa mismong SOCCSKSARGEN Region, nagpakita ng mahusay na kapasidad ang Kidapawan City sa pagtugon nito sa hamon na dala ng Covid sa aspetong pangkalusugan, ani pa ng mga opisyal ng DOH.
Maliban sa pagkakaroon ng TTMF, pagpapatupad ng minimum health protocols, maayos din na naipatupad ng City Government ang pagbibigay ng vaccines kontra Covid19 sa mga eligible population pati na ang pagkakaroon ng kinakailangang pasilidad para sa imbakan ng mga bakuna.
Ang bagong TTMF ay matatagpuan sa Barangay Nuangan kung saan ay katabi nito ang ginagawang Bio-Molecular Laboratory na magsisilbing testing at confirmatory center para sa mga magkaka-Covid19.
Nasa 26 bed capacity ang Nuangan TTMF na pinondohan ng Bayanihan 2 na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagbigay naman ng dagdag na kagamitang medical at hospital beds ang Energy Development Corporation at With Love Jan Foundation para magagamit ng mga pasyenteng magpapagamot sa naturang pasilidad.
Magiging operational na ang bagong TTMF samantalang inaasahang mag-ooperate na rin ang Bio-Molecular Lab na katabi nito pagsapit ng fourth quarter ng taong kasalukuyan.
Bibigyan ng training ng DOH ang mga kawani ng Nuangan TTMF na mangangasiwa sa operasyon ng pasilidad.