-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Tumanggap ng 700 vials ng Gamaleya Sputnik at 27 vials na AstraZeneca COVID-19 vaccines ang city government of Kidapawan mula sa Department of Health-Regional Office 12 (DOH RO12).

Malaking tulong ang mga ito bilang mga karagdagang bakuna sa vaccination ng mga senior citizens sa lungsod, ayon na rin sa City Health Office o (CHO).

Tanging Kidapawan City at General Santos City pa lamang ang naunang mga LGU’s sa buong SOCCSKSARGEN region ang nakatanggap ng Sputnik vaccines na binili ng national government mula sa bansang Russia.

Ang Kidapawan City at Gensan lang kasi sa buong Rehiyon 12 ang may angkop na storage facility para sa tamang safekeeping at pagpapalamig ng Sputnik vaccines, ayon kay Dr. Edvir Jane Montańer, Regional Immunization Program Manager ng DOH – CHD XII kung saan ay personal niyang inabot kay CESU Operations Head Dr. Nerie Paalan ang nabanggit na mga bakuna.

Kinakailangan kasing nasa negative 18 hanggang negative 25 degrees Celsius ang paglalagyan ng Sputnik vaccine para mapanatili ang pagiging epektibo nito.

Mabibigyan ng first dose ng Sputnik ang mga senior citizens na hindi pa nababakunahan sa ilalim ng A.2 eligible population ng vaccination rollout ng city government simula July 22, 2021.

Nasa 21 days ang pagitan ng una at ikalawang dose ng Sputnik vaccines, ayon pa sa DOH XII.

Samantala, nakatakda namang tumanggap ng second dose ng AstraZeneca ang mga senior citizens na una ng naturukan nito.

Posibleng din makatatanggap ng Pfizer at Johnson and Johnson Corona virus vaccines mula sa DOH ang city government sa mga susunod na vaccination roll outs dahil na rin sa pagkakaroon nito ng angkop na storage facilities na kinakailangan para mapanatili ang pagiging epektibo ng mga bakuna.