Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa mga local government units (LGUs) at law enforcement agencies na sugpuin ang paglaganap ng love scam na kadalasang bumibiktima sa mga dayuhan.
Ang panawagan ni Gatchalian ay kasunod ng pahayag kamakailan ng Australian Federal Police na humigit-kumulang AUS$24 milyon na ang nawawala sa mga Australians na nabibiktima ng mga scammer na nakabase sa Pilipinas.
Nagagawang linlangin ng mga scammer na ito ang mga Australians sa pamamagitan ng dating apps.
Dito, unit-unti nilang pinapalapit ang loob ng mga bibiktimahin upang makapanghuthot ng malaking halaga ng pera. Inihahanda na ng mambabatas ang ihahaing resolusyon hinggil dito.
Aniya, ang ilan sa mga love scam na ito ay maaaring latak ng mga ilegal na POGO na dati nang pinapatakbo sa bansa.
Sinabi pa ni Gatchalian na posibleng tina-target din ng mga scammers ang mga Pilipino kaya kailangang paghusayin ang kaalaman at edukasyon sa mga online scam na ito.
Maaaring may mga Pilipino na nabiktima na ng mga love scams at hindi nag-ulat ng mga naturang insidente dahil sa pangambang baka mahusgahan sila ng lipunan, aniya.
Ang mga scammers, sabi ni Gatchalian, ay karaniwang nagsasagawa ng profiling ng kanilang mga target at madalas na may kahinaan ng loob ang mga potensyal na biktima.
Bilang chair ng Senate Committee on Ways and Means, isinulong ni Gatchalian ang pagpapatalsik sa lahat ng scamming activities sa bansa, kabilang ang investment at love scams.