-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Tinawag ng isang health expert na suicide at hindi nag-iisip ang mga taong nagmu-mungkahi ng pagtatanggal ng face mask at pagbababa sa alert level zero ng classification sa bansa.

Ayon kay Health Reform Advocate Dr. Tonny Leachon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kailangan na matuto na ang pamahalaan sa mga nangyaring surge sa ilang mga bansa katulad ng South Korea, Vietnam, Hong Kong at Singapore matapos magpatupad ng pagluluwag sa restrictions.

Aniya kahit pa patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nababakunahan laban sa COVID-19 ay hindi pa napapanahon ang alert level zero dahil magdudulot lamang ito ng mas malaking suliranin.

Samantala, iminungkahi ni Leachon na ipasa na ng national task force ang pagbabakuna sa mga medical community dahil abala na sa pangangampanya ang mga local government officials kaya hindi na ito napagtutuunan ng pansin.

Dapat umano na magparehistro na sa Food and Drug Administration upang mabigyan ng approval ang pag-handle ng mga malalaking drug stores at pribadong sektor sa bakunahan.

Paliwanag nito na sa tindi ng init ng panahon ngayon ay walang nagta-tsaga na pumila sa mga vaccination areas na inilalatag ng LGUs subalit kung ang mga drug stores sa loob ng mall ang mangangasiwa sa pagbabakuna ay mas makakapag-hikayat ito ng publiko.

Sa kabilang banda ay ikinababahala naman ng naturang health expert na posibleng muling magkaroon ng surge pagkatapos ng halalan lalo pa at papasok na ang panahon ng tag-ulan kaya kinakaipangan aniyang maging alerto at maingat ng lahat.