-- Advertisements --

Pinagbawalan pansamantala ng lokal na pamahalaan ng Libungan Cotabato ang mga hindi residente ng lalawigan ng Cotabato sa pag-trek o pag-akyat sa Mt. Agkir-Agkir.

Batay sa inilabas na advisory ng LGU-Libungan sa pamumuno ni Mayor Christopher “Amping” Cuan, ang naturang desisyon ay bunsod ng nagpapatuloy na krisis na dulot ng pandemiyang COVID-19.

Ayon kay Cuan, papayagan lamang umakyat sa Mt. Agkir-Agkir ang mga residente ng lalawigan na may edad 21 hanggang 59 anyos alinsunod sa panuntunan ng National Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Dagdag pa rito, nagpaalala din si Cuan sa mga trekkers sa pagsunod sa minimum health standard protocol tulad ng pagsuot ng face mask, physical distancing at pagdala ng hand sanitizers upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Samantala, pansamantalang isinara ang entrance paakyat ng Mt. Agkir-Agkir sa Brgy. Pacao, Alamada at Brgy. Kimarayag, Pigcawayan at maaari lamang dumaan ang mga trekkers sa sa Brgy. Sinapangan entrance upang madaling mamonitor ang mga aakyat rito at makapagsagawa din ng orientation hinggil sa mga dapat na sundin na panuntunan.

Ang Mt. Agkir-Agkir ay isa sa mga tinatangkilik ng mga trekkers dahil sa ganda nitong tanawin at ang pagkakaroon rito kadalasan ng sea of clouds tuwing umaga.