-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Walang pinalabas na kautusan ang lokal na pamahalaan ng Makilala Cotabato na pwede nang bumalik ang mga bakwit sa Brgy Luayon na dineklarang no build zone ng Philvocs.

Ito ang nilinaw ni Municipal Administrator Sheryl Orbita dahil hanggang ngayon ay pinoproseso pa ng gobyerno ang lupa na siyang magiging relocation site ng mga residente na mula sa apat na mga barangay sa bayan ng Makilala.

Ang lupa na pagtirikan ng bahay o temporary shelter ay kailangang ipasuri sa Mines and Geoscience Bureau at ng Philvocs.

Sa pagpupulong ng LGU-Makilala may mga private individual ang nagpahayag ng tulong at nagpresenta na ipagamit muna ang kanilang lupa bilang pansamantalang tirahan ng mga bakwit sa lindol.

May isang residente na rin sa Brgy Luayon ang nasawi dahil hindi kinaya ang lamig at init dahil sa lupa lamang sila natutulog sa evacuation sites.

Patuloy ngayon ang panawagan ng mga bakwit nang lindol kay pangulong Rodrigo Duterte na sana matulungan sila na makapagtayo ng matirhan dahil sobrang hirap ang kanilang nararanasan sa evacuation sites.