KALIBO, Aklan—Nasa 85 porsyento nang handa ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan at isla ng Boracay para sa gaganaping pinakamalaking triathlon sports event sa Oktobre 19 hanggang 22, 2023.
Ayon kay Oliver Sallas, triathlon event director na napasakamay na nila ang mga kakailanganing permit mula sa LGU, Philippine Coast Guard (PCG), Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Philippine Red Cross (PRC) at Malay Municipal Police Station gayundin ang assistance mula sa mga stakeholders partners.
Aniya, kauna-unahan ito na gagawin sa Boracay na lalahukan ng nasa 600 triathletes mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ilang dayuhan mula sa ibayong dagat.
Handa na aniya ang mga venue ng sporting events at tiniyak nilang convenient ito para sa mga atleta mula sa pagbisikleta, pagtakbo at sa paglangoy.
Sa kabilang dako, napilian aniya ang isla ng Boracay na maging venue ng nasabing sports event dahil tiwala ang mga organizer na kakayanin ito sa isla lalo na’t malaki ang naging improvement nito sa kasalukuyan.
Dagdag pa ni Sallas na pang world class ang Boracay na dapat ipagmalaki sa buong mundo dahil mapapa-wow ang sinuman sa swimming area dahil sa sobrang linis at linaw ng tubig gayundin ang maputi at powdery na buhangin sa baybayin.