KALIBO, Aklan—Nakibahagi ang bayan ng Malay, Aklan sa pangunguna ng Municipal Tourism Office at Boracay Business Administration of Scuba Shops (BBASS) sa prestihiyosong Asia Dive Expo (ADEX) 2025 na ginanap kamakailan lamang sa Suntec Convention and Exhibition Center sa Singapore.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office, katuwang ang Tourism Promotions Board Philippines ay layunin nito na makilala ang Boracay bilang isa sa mga prestigious diving destination sa buong mundo.
Aniya, isa ang Boracay sa mga naimbitahan sa nasabing event kung kaya’t hindi na sila nagpaligoy-ligoy pa at kaagad na sinunggaban ang oportunidad upang i-market ang Boracay sa mga dayuhang turista lalo na ngayong summer season.
Hindi naman magpapahuli ang Boracay pagdating sa makulay na marine biodiversity at mga coral reefs na patok sa mga baguhan at bihasang divers.
Ang pakikibahagi ng bayan ng Malay sa ADEX 2025 ay hakbang papunta sa mas malaki pang promosyon ng sustainable at inclusive tourism ng bansa.
Ang delegasyon ay pinangunahan nina Mr. Rechan Casidsid, Ramil Aguirre, Michael Labatiao ng BBASS, at Aaron Tan na layuning ipakilala ang responsableng turismo at mga proyektong makakalikasan.