-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Malaking karangalan para sa bayan ng Malay at lalawigan ng Aklan ang muling pagkapasok ng isla ng Boracay bilang isa sa mga top islands sa Asia matapos na nakahanay sa pangatlong pwesto sa Conde Nast Traveler Readers’ Choice Awards 2023.

Ayon kay Niño Sacapaño, assistant public information officer ng Malay Tourism Office na halos kalahating milyong mga indibidwal ang sinuri at nagbigay ng impression gayundin opinyon batay sa kanilang naging karanasan sa tanyag na isla.

Umabot aniya sa 90.74 points ang nakuhang puntos ng Boracay na naglagay sa ikatlong pwesto na pinangunahan ng Bali, Indonesia; sinundan ng Koh Samui, Thailand; pang apat ang Phuket, Thailand at nasa pang limang pwesto ang Langkawi, Malaysia.

Dagdag pa ni Sacapaño na nagpapakita lamang ito na nananatili ang kagandahan ng Boracay, ang maayos na pagtanggap at pag-asikaso sa mga bisita at turista gayundin ang hindi makalimutang eksperyensya kasama ang kanilang mga kaibigan at kaanak.

Nabatid na naitala ang kabuuang 124,491 na tourist arrival sa Boracay noong buwan ng Setyembre batay sa datos na ipinalabas ng Malay Tourism Office.

Sa nasabing bilang, 94,160 ang domestic tourists; 803 ang Overseas Filipinos habang 29,528 naman ang foreign tourists.

Kaugnay nito, tiwala ang LGU Malay na maabot ang 1.8 million na target tourists arrival para sa kasalukuyang taon.