KALIBO, Aklan—Hinikayat ni mayor Frolibar Bautista ng Malay, Aklan ang grupo ng mga diplomat na iparating sa mga negosyante sa kani-kanilang bansa na mamuhunan sa nasabing bayan.
Kasunod ito sa inilatag na plano ng lokal na pamahalaan sa ginanap kamakailan lamang na Diplomatic and Business Forum sa isla ng Boracay kung saan, sinabi ng alkalde na pinapayagan na ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at Casino sa mainland Malay upang makapagbigay ng dagdag trabaho at kabuhayan sa mga mamamayan.
Maliban dito, binigyan niya ng ideya ang mga investors na nais magpatayo ng high rise building kung saan, maaari lamang itong gawin sa mainland Malay dahil 6 storey building lamang ang pwede na maipatayo sa isla ng Boracay.
Tiniyak din ng alkalde na habang pinupursige ang mga nakatakdang developments ay committed parin sila na ipanatili ang balanseng economic growth at sustainable practices.
Nabatid na ang nasabing event ay dinaluhan ng mga ambassadors mula sa mga bansang Indonesia; Brunei; Malaysia; Vietnam; Pakistan; India, at Taiwan.