-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Kinondena ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang iresponsable umanong pagpasok sa isla ng Boracay ng isa sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region VI na kalaunan ay nalaman na positibo sa coronavirus infectious disease o COVID-19.

Sa official statement na ipinalabas ng LGU Malay, sinabi ni acting Mayor Frolibar Bautista na komunsulta na umano siya sa Municipal Legal Office para sa kaukulang kaso na posibleng ihabla kay WV patient 144 na isang 26-anyos na babae sa paglabag nito sa quarantine protocols.

Kaugnay nito, nagsasagawa na aniya ng contact tracing at imbestigasyon ang Municipal Health Office, Municipal Tourism Office, at Malay Police Station.

Kapansin-pansin na kakaunti lamang ang mga tao na pumasok sa isla sa unang araw na binuksan ito sa lokal na turista.

Sa kabila nito, pinawi ng alkalde ang pangamba ng mga mamamayan at patuloy na hinikayat ang mga taga-Western Visayas na magbakasyon matapos na pormal na itong buksan sa publiko.