KALIBO, Aklan – Kumpiyansa ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan na siyang may hurisdiksyon sa isla ng Boracay na mabigyang katuparan ang inaasam na maging siyudad na ang kanilang bayan.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, upang maging siyudad ang isang bayan, nararapat na magkaroon ng kabuuang taunang kita na P50-milyon, may populasyon na hindi bababa sa 100,000 at may kabuuang sukat na hindi bababa sa 100 square kilometers.
Pasok na umano ang kanilang bayan sa dalawang hinihinging requirements na nakasaad sa Local Government Code.
Aniya ang taunang income ng Malay ay nasa P400-milyon dahil sa isla ng Boracay na higit sobra sa itinakdang kita.
Hinihintay na lamang nila sa ngayon ang rekomendasyon ng Sangguniang Panlalawigan upang i-endorso ang Malay cityhood sa Kongreso sa pamamagitan ni Aklan 2nd District Congressman Teodorico Haresco.
Nabatid na halos siyam na taon nang itinutulak ang naturang panukala.