KALIBO, Aklan—Blangko pa si Malay Mayor Frolibar Bautista kung matutuloy o hindi ang balak na pagpapatayo ng Boracay-Caticlan bridge na nagkakahalaga ng P5.5 bilyon na isinusulong ng isang malaking kompaniya.
Ayon sa alkalde, simula pa noong 2013 hanggang sa kasalukuyang taon ay kabilang sa kanilang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ang nasabing proyekto.
Dagdag pa ni mayor Bautista na kailangang muling mapakinggan ang opinyon ng komunidad at stakeholders upang matimbang ang epekto ng proyekto na popondohan ng San Miguel Corporation (SMC).
Una rito, nagpahayag ng pagkabahala sa Bombo Radyo ang may-ari ng mga lumalayag na motorbanca na ang nasabing proyekto ay magkakaroon ng masamang epekto sa ekonomiya at sa kanilang kabuhayan.
Ang isinusulong na tulay na may haba na 1.2 kilometer ay ipapatayo sa Sitio Tabon, Barangay Caticlan patawid sa Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay.
Sakaling matuloy, ang tulay ay magsisilbing all-weather access para mapabilis ang transportasyon gaya ng paghahakot ng basura patawid sa mainland Malay; pag-transport ng pasyente kung may emergency at maiwasan ang pagka-stranded ng mga bakasyunista, turista, manggagawa at residente sa oras na maranasan ang masamang panahon.