-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nagpulong ang inter-agency, LGUs,mga pribadong sektor at mga barangay official sa bayan ng Midsayap, Cotabato sa mga plano at hakbang nito laban sa nakakamatay na COVID-19.

Napagkasunduan na mariing magsagawa ng profiling sa mga residente na bago lang nakauwi galing sa kalakhang Maynila at mga overseas Filipino eorkers (OFWs) mula sa mga bansa na marami ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID 19).

Kailangan magkatuwang ang Rural Health Unit (RHU) Department of Health (DOH) Integrated Provincial Health Office (IPHO-Cotabato) at ilang ahensya ng gobyerno para agad matukoy ang mga Person Under Monitoring (PUM) at Person Under Investigation (PUI).

Ang lahat ng may sintomas sa COVID-19 ay dadalhin sa Anecito T. Pesante Memorial Hospital, kukunan ng swab sample at ipadadala sa RITM sa Manila.

Habang COVID free pa ang bayan ng Midsayap, Cotabato ay agad maglulunsad ng massive disinfectants sa mga matataong lugar, kagaya ng palengke, simbahan, bus termina , malalaking tindahan at iba pa.

Magkatuwang naman ang RHU Midsayap at si dating Cotabato Ist District Board Member Rolly Sacdalan sa pagpapaindi ng tamang disinfectants o paano mapuksa ang virus at hindi makahawa sa ibang tao.

Nakatakda namang maglabas ng kautusan si Mayor Romeo Araña hinggil sa pagsuspinde ng klase sa lahat ng antas,graduation rites at iba pa para labanan ang COVID 19.

Dagdag naman ni vice-mayor at Dr Manuel Rabara na dapat magtulungan, magkaisa at gumawa ng kongretong hakbang para hindi malusutan ng coronavirus disease ang bayan ng Midsayap.

Panawagan naman ni dating BM Rolly Sacdalan sa lahat na umaksyon na habang hindi pa huli ang lahat at hindi matulad sa Wuhan City sa China ang bayan ng Midsayap.