CENTRAL MINDANAO-Pinaigting pa ng pulisya ang paghahanap sa tatlong lalake na suspek sa pagpapagamit ng droga sa isang 15 anyos na dalagita sa Midsayap Cotabato.
Ayon kay Midsayap Chief of Police Lieutenant Colonel Rolly Oranza na nagviral sa social media habang pinahithit ng shabu ng tatlong suspek ang biktima.
Hawak na rin ng pulisya ang dalagita at nasa pangangalaga ngayon ng MSWDO at tukoy na rin nila ang uploader ng video na kumalat sa Facebook.
Sinabi ni Midsayap Mayor Rolly Sacdalan na agad naglaan ang lokal na pamahalaan ng bayan ng P300k na reward money laban sa mga suspek.
Dagdag ng alkalde na P200k ang gantimpala para sa makapagturo sa mga suspek na patay habang P100k naman kung buhay pa ang mga ito.
Binigyang diin ni Mayor Sacdalan na kailangan mapigilan ang masamang gawain ng ilang dayo sa bayan ng Midsayap at agad sugpuin.
Kinomperma rin ni Sacdalan na nagrerenta ang mga suspek ng isang kwarto sa bayan at ginagawang drug den kung saan dito nila dinadala ang kanilang mabibiktima.
Sa ngayon ay nakatutok ang LGU-Midsayap at pulisya katuwang ang tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pamumuno ni Karl Ballentes sa pagsugpo sa mga karahasan sa mga kabataan.