KORONADAL CITY -Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa bayan ng Midsayap, Cotabato sa nangyaring pamamaril-patay sa isang kandidato sa pagka-barangay Chairman.
Kinilala ni Mayor Rolly Sacdalab ang biktima na si Haron Dimalanis, 40-anyos na tatakbo sanang Chairman ng Barangay Malingao, Midsayap na sakop na ngayon ng Special Geographic Area ng BARMM.
Sa imbestigasyon ng Midsayap PNP sa pangunguna ni Police Lt. Col. Peter Pinalgan Jr., nasa plaza si Dimalanis at kakahain lang ng kanyang Certificate of Candidacy nang pagbabarilin ng mga armado alas 11:45 habang kumakain sa kainan na nasa harap lamang ng municipal compound.
Sugatan naman sa pamamaril ang kanyang body guard na si Habir Samad Kambiong, 27-anyos na residente rin ng Barangay Malingao.
Nilapitan umano ang dalawang biktima ng dalawang mga lalaking armado at pinagbabaril at agad na tumakas sakay ng motorsiklo.
Dinala pa sa Amado Provincial Hospital sa Poblacion 4, Midsayap ang dalawa ngunit si Dimalanis ay binawian ng buhay dahil sa matinding tama ng baril.
Narekober sa crime scene ang walong mga bala ng caliber 45 pistol.
Sa ngayon, patuloy ang hot pursuit operation ng PNP laban mga suspek.
Malaki naman ang paniniwala ni Mayor Sacdalan na rido o matagal ng alitan sa pamilya at pulitika ang motibo ng krimen.
Sa ngayon mahigpit na kinondena ng alkalde ang nangyaring pagpatay sa isang kandidato para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.