Ipinauubaya na ng Department of Health (DOH) ang paghihigpit sa mobility ng mga kabataan, lalo na ng mga toddlers, ngayong niluwagan na ang restrictions sa galaw ng publiko sa ilalim ng iba’t ibang alert level system.
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau Dir. Alathea De Guzman, sa ilalim ng Alert Level 2 tulad ng ipinatutupad sa National Capital Region, wala nang age-related mobility restrictions.
Bahala na aniya ang mga LGUs sa kung sila ba ay maglalabas ng mga ordinansa na maglilimita sa galaw ng mga kabataan, lalo na ng mga toddlers.
Sinabi ito ni De Guzman matapos na humingi ng guidance sa DOH ang ilang mga mall operators.
Mas tumaas kasi anila ang foot traffic sa ngayon sa mga malls at marami na ring mga bata ang sinasama sa mga ito ng kanilang mga magulang.
Hamon anila sa kanila sa ngayon ay ang palagiang pagsuot ng mga bata ng face mask.
Nauna nang napaulat kamakailan na isang dalawang taong gulang na bata ang nagpositibo sa COVID-19 ilang araw matapos na nagpunta sa mall.