CENTRAL MINDANAO – Todo handa ngayon ang provincial government ng North Cotabato sa posibleng pagpasok ng African Swine Fever (ASF) sa gitna ng COVID-19.
Sinabi ni provincial veterinarian Dr Rufino Suropia na aabot sa 128,000 ang hog population ngayon sa probinsya ng Cotabato o katumbas ng P1.2 bilyon sa kasalukuyang market value.
Bukod sa mahigpit na pagbabantay sa mga border control points dahil sa banta ng COVID-19, pinaghahandaan na rin ng pamahalaang panlalawigan ang posibleng pagpasok ng African Swine Fever na maaring ikamatay ng mga alagang baboy.
Napag-alaman na kasing nasa kalapit na lugar na ang kaso ng ASF tulad sa Bansalan, Davao del Sur at Marilog District sa Davao City.
Bago lang ay may nakumpiska ang kalahating toneladang pork chicharon, at maraming frozen pork chorizo at iba pang by-products na pinupuslit sa probinsiya.
Dahil dito, inirekomenda ni Suropia na magdagdag ng beterinaryo at ilan pang mga tauhan upang magbantay sa mga checkpoint 24 oras.
Simula ng pumutok ang kaso ng ASF sa mga kalapit na lalawigan, patuloy ang pagsasagawa ng OPVET ng blood sampling at information Education ang Communication lalo na sa mga nag-aalaga ng baboy sa probinsya.