-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nagbabala ang local government unit ng Antique sa mga nagnanais na bumalik sa pangingisda sa lugar na apektado ng oil spill mula sa lumubog na tanker.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Mr. Broderick Train, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Antique, sinabi nito na pinag-aaralan na rin ng local government ang muling pangingisda.

Pero hinihintay na lamang nila ang resulta ng pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa toxicity level ng isda.

Anya, posibleng nagtataglay ng polycyclic aromatic hydrocarbons na low-level contaminants ang mga isda sa baybayin na apektado ng oil spill kagaya sa Oriental Mindoro kung saan lumubog ang MT Princess Empress.

Ito anya ay humahalo na sa laman ng isda at nakakasama sa kalusugan ng tao.

Sa ngayon ayon kay Train, hindi pa napapagpalabas ng bagong executive order hinggil sa pangingisda sa kontaminadong baybayin.

Nararapat anya na makinig muna sa mga otoridad bago magsagawa ng hakbang na makakasama sa kalusugan.