-- Advertisements --
iloilo dead
Iloilo

ILOILO CITY – Labis ang pagkadismaya ng mga opisyal ng lalawigan ng Guimaras sa umano’y naging kapabayaan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa nangyaring trahedya sa Iloilo Strait na ikinamatay ng 31 mga biktima.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jordan, Guimaras Mayor Ruben Corpuz, sinabi nito na noong mangyari ang pagtaob ng tatlong bangka, nasaksihan niya kung paano nabigo ang Philippine Coast Guard na magpakita ng “chain of responsibility.”

Ayon kay Corpuz, habang abala sila na mga opisyal ng Guimaras kasama ang Iloilo City Disaster Risk Reduction and Management Office, halos hindi naman da mahagilap ang mga kasapi ng Philippine Coast Guard.

Aniya, wala ring ground commander na nagbibigay ng utos sa ibang kasapi ng PCG dahil hinintay pa nilang makabalik ang kanilang station commander na si Lt. Commander Perlita Cinco na nasa Antique nang mangyari ang trahedya.

Ayon sa alkalde, nakita niya si Commodore Allan Victor dela Vega, district commander ng Coast Guard Western Visayas na naglilibot sa mga survivors na dinala sa Parola Wharf ngunit ilang saglit lang ay nawala rin daw ito.

Sinabi naman ni Mayor Eugene Reyes ng Buenavista, Guimaras, walang malinaw na protocol ang Philippine Coast Guard noong kasagsagan ng kailangan nila ang mabilisang pagkilos at tulong .

Aniya, wala rin umanong “sense of urgency” ang rescue team nang mangyari ang trahedya.

Itinuturing naman ni Reyes na malaking “blunder” ang ginawang pagpapabaya ng Philippine Coast Guard sa kanilang tungkulin.

Una nang kinumpira sa Bonbo Radyo ni DOTr Sec. Arturo Tugade ang pagsibak sa tungkulin kay Cinco at ilan pang mga opisyal ng PCG at Marina-Iloilo.