CENTRAL MINDANAO- Malaki ang paniniwala ni Northern Kabuntalan Mayor Datu Umbra”Ramil”Dilanggalen kasama ang buong kasamahan nito sa lokal na pamahalaan ng kanilang bayan na mas-mabilis ang pag- unlad ng lalawigan ng Maguindanao sa paghati nito sa dalawang probinsya.
Sinabi ni Mayor Dilangalen na pinagsikapan ito ni dating Maguindanao Governor at ngayon 2nd District Congressman Esmael”Toto”Mangudadatu katuwang ang ibang opisyal ng probinsya na maisakatuparan ang naturang plano.
Matatandaan na pasado na sa third and final reading sa kongreso ang House bill 6413.
Ito ay bahagi ng panukalang unang inihain ni 2nd Dist. Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu sa paghahati sa probinsya ng Maguindanao sa dalawang magkaibang probinsya (Northern Maguindanao at Southern Maguindanao).
Bago ito isinulong din ni Ist District Cong. Ronnie Sinsuat sa Kongreso ang panukalang paghahati sa Maguindanao.
Suportado ng lahat ng mga mambabatas sa kongreso ang House bill 6413 na may botong 231 affirmative, zero abf negative at zero rin ang abstention.
Paliwanag ni Mangudadatu, ang House bill 6413 ay para sa tuluy-tuloy at maayos na proseso tungo sa pagkamit ng pangarap na pinaghati pero mas pinalakas na Maguindanao.
Kung sakaling tuluyan na itong mahahati, ito ay tatawaging Northern at Southern Maguindanao kung saan mananatili parin sa bayan ng Buluan ang tanggapan ng Southern Maguindanao habang ipapatayo naman ang kapitolyo ng Northern Maguindanao sa bayan ng Datu Odin Sinsuat Maguindanao.