Namahagi ng tulong ang pamahalaang Lungsod ng Parañaque sa 217 pamilya na nabiktima ng sunog noong Martes ng gabi, Pebrero 27, sa Barangay San Isidro.
Pinangunahan nina Mayor Eric Olivarez, kapatid niyang si Congressman Edwin Olivarez, at Councilor Paolo Olivarez ang pamamahagi ng tulong sa 217 pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa sunog.
Sinabi naman ni Olivarez na pansamantalang nanunuluyan ang mga biktima sa Area I, United Parañaque Subdivision (UPS)-V covered court.
Namahagi aniya ang pamahalaang lungsod ng mga banig, kumot, damit, hygiene kits, food packs, at tulong pinansyal sa mga biktima.
Nagbigay din ng tulong sa mga biktima ang tanggapan ni Konsehal Paolo Olivarez at Department of Social Welfare and Development-National Capital Region.
Batay sa ulat, nilamon ng apoy ang isang mataong lugar sa kahabaan ng Luba St., Luba St., Lovewin Compound, United Paranaque (UPS)–5 bandang 7:02 p.m. at idineklarang itong fire out bandang 3:17 a.m.
Ayon sa Bureau of Fire and Protection, tinatayang aabot sa P800,000 na halaga ang naging pinsala nito sa mga ari-arian .
Patuloy namang inaalam ng mga otoridad ang naging sanhi ng sunog.