-- Advertisements --

Maniningil ang local government unit ng Caluya, Antique ng danyos mula sa RDC Reield Marine Services na nagmamay-ari ng motor tanker Princess Empress na lumubog sa Naujan, Oriental Mindoro at nagdulot ng malawakang oil spill sa karatig na mga lalawigan pati na sa Antique.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Antique Governor Rhodora Cadiao, sinabi nitong isinasagawa na ngayon ang final assessment sa pinsala ng oil slick sa seeweed industry ng lalawigan.

Tinatayang nasa P20-million na ang halaga ng pinsala sa seaweed industry sa Caluya Island.

Base sa report ng Philippine Coast Guard Antique, wala nang panibagong oil spills na nakita sa island municipality ng Caluya sa nagdaang dalawang linggo.

Nagpapatuloy umano ang cleanup operations sa Liwagao island at sa mga apektadong barangay sa Alegria, Semirara, Sibolo, at Tinogboc ngunit nakatutok na lamang sa mangrove areas dahil wala nang nakitang oil spills sa shorelines.

Kasama ng Philippine Coast Guard personnel sa clean-up operations ang higit 400 Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers ng Department of Labor and Employment na siyang emergency employment para sa 30 araw na nagsimula noong Marso 15.