NAGA CITY – Handa umano sa mga dokumento ang lokal na pamahalaan ng Pamplona, Camarines Sur upang patunayan ang financial assistance na ibinigay ng lungsod ng Pasig ay hindi nagamit sa pangangampanya ng asawa ni former Pasig City Mayor Robert Eusebio na si Maribel Andaya-Eusebio noong nakaraang eleksyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay acting Mayor Boy Franco ng Pamplona, Camarines Sur, sinabi nitong ang pondong nasa P25 million ay nakalaan para sa edukasyon at kalusugan ng mga mamamayan sa lugar.
Nilinaw nitong nasa P15 million lamang ang naaprubahan sa nasabing pondo dahil ang natitirang P10 million ay hindi na naaprubahan dahil naabot na ng panahon ng eleksyon.
Dagdag pa nito, dumaan sa auditing process ang nasabing pondo at hindi si Maribel Andaya-Eusebio ang gumamit ng pera kundi ang mismong bayan ng Pamplona.
Samantala, iginiit naman ni Noel Medina, presidente ng Tambuli ng Mamamayan ng Pasig na nanguna sa pagsampa ng kaso kay Former Pasig City Mayor Robert Eusebio, walang anumang detalye o report na natanggap ang LGU Pasig patungkol sa mga pinaglaanan nang nasabing financial assistance sa Pamplona sa loob ng 30 araw.
Ayon umano sa kanilang pag-aanalisa, ginamit ito ng misis ni former Pasig City Mayor Eusebio para sa pangangampanya bilang kongresista ng ikalawang distrito ng Camarines Sur noong nakaraang eleksyon.
Ayon kay Medina, ito ang naging basehan nila sa pagsasampa ng kasong violation of anti-graft and corruption practices at violation of ethical standards of public official and employee laban sa dating mayor at iba pang mga city council officials na sina Rodrigo Asilo, Gregorio Rupisan Jr., Rhichie Gerard Brown, Orlando Benito, Regino Balderama, Rosalio Martires, Ferdinand Avis, Wilfredo Sityar, Iyo Christian Bernardo, at Reynaldo San Buenaventura, na pumirma upang maipasa ang sisterhood city resolution noong May 2018.