VIGAN CITY – Naka-alerto ngayon ang ilang local government unit sa lalawigan ng Ilocos Sur, partikular na ang mga nasa gilid ng dagat hinggil sa pagdagsa ng ilang Chinese tourists lulan ng mga international cruise ships na dumadaong sa pantalan ng lalawigan.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa pinangangambahang pagkalat ng novel coronavirus na laganap na ngayon sa China at ilang panig ng Southeast Asia.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, binabantayan ng LGU ng Cabugao, Ilocos Sur ang Salomague port sa nasabing bayan na nabuksan para sa pagdaong ng ilang international cruise ships na dadaan sa Pilipinas.
Kung maaalala, dumaong sa Saloague port noong nakaraang buwan at nitong unang linggo ng Enero ang Spectrum of the Seas international cruise ship lulan ng ilang Chinese nationals na namasyal sa lalawigan at sa Ilocos Norte nitong nakaraan at noong December 2019.