CENTRAL MINDANAO – Magbibigay ng P100,000 gantimpala si Sharif Aguak, Maguindanao municipal Mayor Engr. Marop Ampatuan sa makakapagturo sa mga suspek sa pagpapasabog sa convoy ng mga pulis.
Sinabi ni Sharif Aguak executive secretary at spokesman designated municipal information officer Anwar Emblawa, ikinalungkot ni Mayor Ampatuan ang nangyari sa mga pulis na ang tanging layunin lamang ay ang pagpapatupad ng seguridad sa taongbayan.
Nagbigay din ang LGU-Shariff Aguak ng financial assistance sa mga biktima nang pagsabog.
Una nang mariing kinondena ni Mayor Ampatuan ang pagsabog at sinabing kailangan ding managot sa batas ang mga suspek.
Nasawi sa pagsabog sina PMSgt Antonio Balasa at isang sibilyan na driver si alyas Bobby na non-uniform personnel ng PNP.
Sugatan naman sina PSgt Larry Amoran, PSSgt Guerero Domingo, PCpl Guai Mangrag at PCpl Clyde Peria, mga tauhan ng 2nd Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao Police Provincial Office.
Bago ito palabas na sana ang police patrol car ng 2nd PMFC ng Maguindanao PNP Provincial Office na convoy ni Police Major Erwin Tabora ang hepe ng Maguindanao PNP Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU).
Pagsapit ng mga pulis sa national highway sa Barangay Poblacion, Mother Shariff Aguak, Maguindanao ay bigla na lamang sumabog sa gilid ng kalsada ang isang improvised explosive device (IED).
Dahil sa lakas ng pagsabog ng bomba dalawa sa mga biktima ang on the spot na nasawi at apat na mga pulis ang nasugatan na mabilis na dinala sa Maguindanao Provincial Hospital.
Nakaligtas naman si Major Tabora na posibling target ng mga suspek dahil sa dami nitong banta sa buhay sa pinaigting nitong operasyon laban sa pinagbabawal na droga at mga armed lawless group sa Maguindanao.
Grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) o mga armed lawless group na sangkot sa illegal drug trade ang itinurong suspek sa pagsabog.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Maguindanao PNP sa pambobomba sa convoy ni Tabora.