LEGAZPI CITY- Apektado ngayon ang pasok sa lokal na pamahalaan ng Sto. Domingo, Albay matapos ang nangyaring pagsiklab ng sunog sa mismong municipal hall kahapon.
Sa panayan ng Bombo Radyo Legazpi kay Senior Fire Officer 4 na si Joseph Martinez na umabot sa ikaapat na alarma ang nasabing sunog.
Bandang alas 3:00 ng hapon sumiklab ang apoy habang alas-7:00 na ng gabi nang ideklarang fire out ng BFP ang nasabing sunog.
Ayon pa kay Martinez, nasa labing apat na mga trucks ang rumispunde galing mismo sa pitong bayan at lungsod sa lalawigan ng Albay para sa pag-apula ng apoy.
Kabilang sa mga tumulong sa pagrespunde ang BFP Legazpi, Tabaco, Daraga, Bacacay, Camalig, Malilipot, Malinao at volunteers galing sa City Disaster Risk Reduction Management office ng Tabaco at iba pang nasa pribadong grupo.
Halos lahat ng opisina ng naturang municipal hall ay apektado ng nasabing sunog kung kaya’t hindi pa matukoy ng mga emplyedo kung ano ang kanilang magiging set up sa ngayon.
Samantala, base sa impormasyon na ipinaabot pa ng BFP Sto. Domingo ay ang admin office at mayor’s office ang pinakanatupok.
Sa ngayon ay hindi pa masabi ng BFP ang naging halaga ng pinsala at ang ugat ng sunog dahil sa ngayon ay nagpapatuloy pa sila sa imbestigasyon.