LEGAZPI CITY – Patuloy ang pagbibigay ng libreng rapid antigen test ng lokal na pamahalaan ng Tabaco City para sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs) at sa iba pang nagsisiuwian sa lungsod.
Ayon kay Mayor Krisel Lagman-Luistro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi isa itong paraan para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit sa lungsod.
Subalit hangang ngayong holiday season lamang libre ang naturang antigen test dahil dagsa ang mga umuuwing mga LSI.
Sa latest data ng Department of Health (DOH) Bicol isang barangay health worker ang pinakahuling nagpositibo sa Tabaco.
Sinabi ni Mayor Krisel na resulta ito ng isinagawang sampling test ng DOH sa halos 200 hanggang 300 na mga community leaders at may mga contact sa COVID-patients sa naturang lugar.
Samantala, pinaalalahanan din ng alkalde ang mga kababayan na huwag pa rin kalimutan ang pagsunod sa mga health protocols kasabay ng pagdiriwang ng holiday season.