KORONADAL CITY – Nagpaabot ng simpatiya at pakikiramay ang lokal na gobyerno ng Tacurong, Sultan Kudarat matapos ang nangyaring aksidente sa national higway ng Purok 9, Barangay Poblacion na nag-iwan ng anim na patay at maraming sugatan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tacurong City Disaster Risk Reduction Management Officer Rodrigo Jamorabon, inihayag nito na kalunos-lunos ang sinapit ng mga namatay na biktima kung saan lima sa mga ito ang miyembro ng pamilya Mamusaka na pawang mga residente ng Barangay Uhaw, General Santos City.
Ayon kay Jamorabon, nakatakdang magbigay ng tulog ang LGU Tacurong para sa pamilya ng mga namatay na biktima.
Samantala, patuloy namang ginagamot ang mga sugatan sa St. Loise Hospital at Tomboc Salayog Hospital.
Sa kabilang dako, sinabi ni P/Lt. Col. Rey Egos, hepe ng Tacurong City PNP, kinustodiya na nila ang driver ng SUV na si Dr. Omar Shariff Acob, 29, residente ng Pres. Quirino, Sultan Kudarat na siya umanong umararo sa dalawang tricycle at sa Hilux.
Ani Egos, inamin umano ng doktor at mga kasamahan nito na nasa impluwensya sila ng alak at lasing umano ang mga ito nang mangyari ang aksidente.
Sa ngayon, desidido ang pamilya ng mga biktima na sampahan ng kaso ang nasabing doktor.
Posible umano itong sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, physical injuries at damage to property.
Napag-alaman na kabilang sa mga nasawi na sina Najmea Kusain, at mga anak nito na sina Juhaiber Mamusaka, 12; Juhaina Mamusaka, 9; Aipa Mamusaka, 2; at Juhairi Mamusaka, 1.
Patay din ang isa pang sakay ng SUV na kinilala kay Alyas Atong Ontong, 19.
Sugatan naman ang mga sakay ng tricycle at mag-amang sina Nasher Mamusaka, 33, at mga anak nito na sina Nahib Mamusaka, 5, at Juhaira Mamusaka, 3; mag-asawang Ariel Legada, 26, at Marielle, 23 na sakay din sa isa pang tricycle; magbarkadang Dr Omar Shariff Acob; Joher Mamalinta, 21, Arnel Dansalan, 24, at Voksany Alid, 19, na sakay ng SUV; at Brent Nicole Cerebo, 20, at kasamang sina Salman Abdul Asis, 21; Khryss Madahan, 23; Carl John Canto, 21; at Vince Harley Camarao, 18, na pasahero naman ng Hilux.