-- Advertisements --

DAVAO CITY – Inihayag ni Alex Roldan, regional director ng Department of Interior and Local Government (DILG) 11 na pinadalhan na nila ng advisory na mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na nag-utos na ipasasara ang lahat ng mga opisina ng Kabus Padatuon (KAPA) ministry international incorporated.

Ayon pa kay Roldan na sa loob ng 15 araw mula ng inilabas ang advisory ay kailangan na magsumite ang mga opisyal ng LGUs ng report sa DILG para malaman kung may ginagawa ang mga ito na hakbang.

Una ng nagpaalala ang opisyal na kung walang gagawin na aksiyon ang mga Mayor sa lugar kung saan may operasyon ang KAPA, sasampahan nila ito ng kaso lalo na’t mismong ang DILG national na ang nagpalabas ng kautusan ito ay base sa cease and desist order mula sa SEC.

Hindi rin umano makukuwestiyon kung ipapasara ang operasyon ng KAPA ito ay dahil walang inihain na reklamo sa inilabas na kautusan ng SEC.

Nagpahayag naman ng kanilang pagkabahala ang ilang miyembro ng KAPA partikular na sa lalawigan ng Davao del Sur lalo na ang mga bago pa lamang na nagbigay ng kanilang donasyon.