-- Advertisements --

Makakatanggap ng karagdagang tulong mula Office of the President (OP) ang mga apektadong lokal na pamahalaan kasunod ng pagsabog ng bulkang Kanlaon sa Negros island.

Kinumpirma ito ni Office of the Civil Defense (OCD) Administrator Ariel Nepomuceno kasabay ng kaniyang pagbisita sa La Carlota City sa Negros Occidental nitong Biyernes, Abril 11.

Ayon sa opisyal, nasa P63 million na karagdagang tulong pinansiyal mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakatakdang ipamahagi sa mga apektadong residente.

Saad pa ng OCD chief na hindi sapat ang pondo lamang ng mga lokal na pamahalaan kayat kailangan ng tulong mula sa national government.

Humiling din aniya ng karagdagan pang tulong ang local chief executives sa Negros island. Kaugnay nito, ayon kay Nepomuceno, tiniyak ng Pangulo na dadagdagan pa ito sakaling kakailanganin ng karagdagang tulong.

Inamin naman ng OCD official na nauubusan na rin ng pondo ang mga lokal na pamahalaan dahil mahigit apat na buwan na rin mula ng na-displace ang karamihan sa mga residente doon matapos ang unang pagsabog ng bulkang Kanlaon noong Disyembre 9 ng nakalipas na taon.

Inisyal na nakatanggap noon ang Negros Occidental ng P50 million na tulong pinansiyal mula sa OP para sa pangangailangan ng mga internally displaced persons.

Noong Abril 8 naman ang pinakabagong pagsabog sa bulkan na nakaapekto sa ilang mga barangay sa La Carlota city.

Sa ngayon, nasa libu-libong residente pa rin ang nananatili sa mga evacuation center.