-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Hiniling ngayon ng miyembro ng Provincial Peace and Order Council (PPOC-Cotabato) sa pangunguna ni PPOC Chair at Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa Land Transportation Office (LTO) na i-deputize ang ilang miyembro ng kapulisan at traffic management unit (TMUs) ng ilang local government units sa probinsya.

Ito ay upang mapabilis ang paghuli sa mga indibidwal na lumalabag sa batas trapiko na siyang kadalasang nagiging sanhi ng mga aksidente sa daan.

Batay sa datos na iprinisinta ni Cotabato Police Provincial Director Harold Ramos sa isinagawang PPOC meeting at Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City, para sa taong 2022 nakapagtala ng 228 cases ng vehicular and other road accidents ang lalawigan na nagresulta sa reckless imprudence resulting to homicide na nasa 48, physical injuries na umaabot sa 120 at damage to property nasa 60.

Ayon sa presentasyon, kadalasang sanhi ng mga aksidente sa kalsada ay human error, mechanical defect, road condition at overloading na maaaring mapigilan kung mayroong katuwang na deputized agent mula sa PNP at LGU ang LTO.

Ayon kay Midsayap Mayor Rolly Sacdalan, dapat magkaroon ng otoridad ang miyembro ng kapulisan at TMU na hulihin, at kunin ang lisensya ng mga traffic violators sa sinang-ayunan naman ng ilang punong ehekutibo mula sa iba’t ibang LGUs.

Ang nasabing isyu ay agad namang ipinaabot kay LTO Kidapawan Representative Sahid Abutasil na dumalo rin sa nasabing pagpupulong.

Ayon kay Abutasil, maaari lamang maging deputized agent ng LTO ang police at TMU kung ito ay sasailalim sa training at makakapasa sa eksaminasyon na ibibigay ng LTO Regional Office.

Bilang aksyon, ang PPOC Cotabato Province ay magpapadala ng liham sa LTO Regional Office upang magkaroon ng pagkakataon ang mga local government units na magpadala ng PNP at TMU personnel na nais nilang maging deputized agent na sasailalim sa pagsasanay at pagsusulit.

Tinawag rin ni Governor Mendoza ang atensyon ng Department of Public Works and Higways (DPWH) dahil isa rin sa mga rason ng mga vehicular accident sa probinsya ay ang uneven road surface.

Ito ay matapos ipaabot ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Warning and Section Chief Arnulfo Villaruz na ngayong taon lamang ay mayroong 16 na vehicular accidents ang naitala sa national highway ng Kilada, Matalam-Katidtuan, Kabacan asphalted road section.

Ayon sa gobernadora dapat i-monitor ng ahensya ang implementasyon ng road widening projects at tiyakin na ito ay hindi makapagdudulot ng kapahamakan sa publiko.

Nasa nasabi ring pagpupulong sina Vice Governor Efren Piñol, Provincial Board Members, Department of the Interior and Local Government Provincial Director Ali Abdullah, 602nd Brigade commanding officer B/Gen. Jovencio Gonzales, National Intelligence Coordinating Agency XII (NICA) Regional Director Eduardo Marquez, Philippine Drug Enforcement Agency XII Regional Director Naravy Duquiatan, department heads at iba pang stakeholders.