TACLOBAN CITY – Pinangangambahan ngayon ng lokal na pamahalaan ng Borongan City probinsiya ng Eastern Samar na maaapektuhan ang kanilang turismo dahil sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng militar at mga NPA sa Sitio Bangon, Brgy Pinanag-an na ikinamatay ng anim na sundalo habang sugatan naman ang 20 iba pa.
Ayon kay Borongan City Mayor Jose Ivan Caspe Agda, malaki ang magiging impact nito lalo na’t unti unting umuusbong ang turismo sa kanilang lugar.
Ikinalulungkot nito na sa kabila ng kanilang determinasyon na isulong ang turismo lalo na sa aspeto ng surfing, ay bababa ang mga bibisitang turista sa kanilang lugar dahil sa takot na dulot ng nangyaring engkwentro.
Umaasa naman si Agda na hindi mag-aalangan ang mga turista na bisitahin ang kanilang lugar lalo na’t inaasahan nila na dadagsa ang mga foreign surfing enthusiasts sa Borongan City kung matapos na ang Southeast Asian Games sa Pilipinas.
Sa darating na Disyembre 15 hanggang 20, magho-host ang syudad ng Philippine Surfing Championship Tour, kung saan inaasaang darating ang mga magagaling na surfer sa Pilipinas para sa last leg ng national surfing competition.
Umaasa naman si Agda na wala ng mangyayaring ganitong klase ng madugong insidente sa kanilang bayan sa susunod na panahon.