NAGA CITY – Nakahanda umanong magsuot ng sapatos si Lheslie De Lima kung kailangan sa inaasahan na pagsabak nito sa ASEAN Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lheslie De Lima, sinabi nito na sasabak siya sa mas mahigpit na traning para sa nasabing kompetisyon.
Sasanayin niya na rin umano ang pagsusuot ng sapatos para mas masanay ang kanyang paa.
Magugunita na mas umingay ang pangalan ng itinuturing na “barefoot runner” ng Camarines Sur matapos na masungkit ang tatlong gintong medalya sa tatlong larong kanyang nilahukan.
Napag-alaman na noong nakaraang taon tanging 3000 meter run at 1500 meter run ang nasungkit na panalo ni De Lima at silver medal lamang sa 800 meter run.
Una ng sinabi ni DepEd Bicol Regional Director Dr. Gilbert Sadsad na kailangan isailalim sa mahigpit na training si De Lima kasama na ang pagsasanay na nakasapatos habang tumatakbo.