Nagpahayag ng taimtim na pagluluksa ang Liberal Party sa pagpanaw ng kanilang presidente na si Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa edad na 82 nitong hapon ng Huwebes, Enero 30.
Sa isang statement, sinabi ng Partido na sa mahabang karera ni Lagman bilang abogado ng karapatang pantao at bilang mambabatas, walang kapaguran niyang ipinaglaban ang mga biktima ng pang-aabuso, ang kalusugan at kapakanan ng kababaihan, kabataan at LGBT gayundin ang tapat at mahusay na pamamahala.
Sa pagkawala ni Lagman, nabawasan aniya ang isang matalas, masipag at matapang na lingkod-bayan ang Pilipinas.
“Ang paggabay at pagmamahal ni Manong Edcel ang nag-ahon sa partido sa panahon ng matitinding pagsubok at mapapait na kabiguan. Lagi naming hahanap-hanapin ang malalim at buong-buo niyang boses na nagpalinaw sa mga komplikadong usapin, nagpaalala sa aming mga tinitindigang prinsipyo, at nagpagaan sa aming mga propesyonal at personal na suliranin.”
“Maraming-maraming salamat, at paalam, Manong Edcel. Mananatili kang tanglaw sa laban para sa mas maunlad, mas malaya, at mas makatarungang Pilipinas.”
Una rito, kinumpirma ng anak ni Lagman na si Tabaco City Mayor Krisel Lagman ang pagpanaw ng kaniyang ama dahil sa cardiac arrest.
Nagsilbing presidente ng Liberal Party si Lagman mula noong taong 2022 habang nanungkulan siya bilang kinatawan ng unang distrito ng Albay mula Hunyo 30, 2016 hanggang Enero 30, 2025.