Hindi naging maganda ang pagtanggap ng Liberal Party sa statement ni dating presidential spokesman Harry Roque matapos sabihin ng huli na si Vice President Sara Duterte ang magiging lider ng oposisyon, kasunod ng kanyang pagbibitiw bilang miyembro ng gabinete ni PBBM.
Sa isang statement na inilabas ngayong araw, June 20, kinuntra ng grupo ang naging pahayag ng dating presidential spokeman. Ayon sa LP, ang pagiging oposisyon ay nakabase sa accountability, transparency, at tunay na pagkalinga sa mga taon.
Ang mga ito ay mga kalidad na hindi umano nakikita sa track record ng kasalukuyang Bise Presidente.
Dagdag pa ng grupo na sa naging resignation ni VP Sara ay ni hindi siya tumanggap ng responsibilidad o nagpakita ng pagbabago sa kanyang prinsipyo at conviction.
Ayon pa sa grupo, alam ng publiko na ang binuong UniTeam(Marcos-Duterte tandem) ay isa lamang palabas upang makakuha ng malawak na suporta ng mga botante.
Ang naging resignation ni VP Sara, ayon sa LP, ay isa lamang pag-amin na wala talagang unity sa UniTeam bagkus ginamit lamang ito para sa suporta ng mga botante.
Kahapon nang inihain ni VP Sara ang kaniyang resignation bilang kalihim ng DepEd at vice chairman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Kasunod nito ay agad ding naglabas ng pahayag si Atty Roque ukol sa pagiging lider ng oposisyon ni VP Sarah, matapos ang pagkakalusaw na ng tuluyan sa UniTeam alliance.