CEBU CITY – Kamuntikan nang magkaroon ng stampede sa paghahatid sa huling hantungan sa pitong Cebuano na biktima sa nangyaring trahedya sa bahagi ng Iloilo Strait noong nakalipas na linggo.
Nagdulot din ng mabigat na daloy ng trapiko ang dami ng mga taong nakisimpatya at nakiramay sa mga biktima.
Nakabibingi namang iyak at hagulgol ang narinig mula sa mga naulilang kaanak ng mga biktima ang naging eksena nang ipinasok na sa kani-kanilang mga nitso ang mga yumao.
Hinimatay naman ang siyam na taong gulang na si Quisanji Econg, anak sa pagkadalaga ng namatay na si Danilyin Janson.
Tanging pasasalamat lamang sa ina sa pagpapalaki sa kanya ang huli nitong mensahe.
Ayon sa bata, pag-iigihan umano niya ang kanyang pag-aaral para sa kanyang namayapang ina.
Sinabi naman ng ina ni Danilyn na kahit masakit ay wala silang magagawa kundi tanggapin na lamang ang masaklap na nangyari.
Sila na rin umano ng kanyang kasintahan ang aampon sa naulilang anak ng biktima.
Dumalo rin sa requiem mass si Cebu City Mayor Edgardo Labella at sumama rin ito sa libing hanggang sa Carreta Cemetery kung saan ang city government din ang nag-asikaso sa lahat ng gastuhin.
Una na ring nangako ang alkalde na hindi niya pababayaan ang naiwang pamilya ng mga biktima.
Noong Agosto 3 ng hapon, lulan sa isang motorized banca ang siyam na kasapi ng Janson at Bagiuo family para sana mamanhikan sana sa Guimaras City ngunit tumaob ang nasabing bangka dahil sa sama ng panahon na ikamatay naman ng mga ito.
Ang labi ng mag-amang Rommel Bagiuo ang iniwan na sa bahay kung saan sana sila mamanhikan sa Guimaras City at doon na rin ito ililibing.