-- Advertisements --

Ngayong araw ng Linggo ihahatid sa kanyang huling hantungan ang kinikilala bilang Philippine fashion icon at celebrity makeup artist na si Fanny Serrano.

Ito’y limang araw mula nang payapang sumakabilang-buhay sa edad na 72 habang nasa kanilang bahay.

Kinumpirma mismo ng anak ni Fanny Serrano na pumanaw na ang kinikilala bilang Philippine fashion icon at celebrity makeup artist, sa edad na 72.

Sa post ng kanyang anak na si Maktin Miranda, kagabi ang huling lamay at ngayong Mayo 15 ang libing ganap na alas-10:00 ng umaga.

Nitong Mayo 12 nang magkaroon ng public viewing para sa labi ng kanyang ama na si Fanny o Felix Mariano Fausto Jr., sa tunay na buhay.

Para kay Maktin, habambuhay siyang magiging “proud daughter” para sa kanyang papa na nagturo sa kanya na pahalagahan ang buhay.

Isa si Sharon Cuneta sa mga bumisita at sinabing siya ay heartbroken. Ipinatong pa niya ang kanyang kamay sa casket kung saan ang makikita lamang ay ang kamay ng yumaong make-up artist at fashion designer.

“The hands that made me feel and look beautiful for over thirty years, even when I didn’t think I did,” saad ni Cuneta.

Taong 2016 nang unang beses ma-stroke si Fanny, pero Marso noong nakaraang taon nang ma-stroke muli kung saan umabot sa punto na naka-life support na lamang ito ayon sa Megastar.

Binansagan din bilang “Beauty Pioneer,” si Fanny ang nasa likod ng mga aura ng Megastar, gayundin nina Cherie Gil, Lorna Tolentino, Celia Rodriguez at iba pa.

May-ari rin siya ng salon, fashion designer at aktor na minsang pang naitampok sa isang TV drama series.