-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nakatakda na ang libing ng pinatay na overseas Filipino worker (OFW) sa bansang Kuwait na si Jeanelyn Villavende na residente ng Norala, South Cotabato.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Ginang Nelly Padernal, tiyahin ni Jeanelyn, napag-usapan ng kanilang pamilya na ililibing ito sa darating na Enero 23, 2020 sa Norala Public cemetery.

Bago ito ihahatid sa huling hantungan ay isang misa ang iaalay sa biktima sa Immaculate Concepcion Church sa nabanggit na bayan.

Nagpapasalamat naman ang pamilya Villavende sa tulong na ibinibigay ng gobyerno at ang simpatiya na ipinapakita ng mga mamamayan kay Jeanelyn.

Ngunit, umaapela sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na panagutin ang Kuwaiti government at hindi lamang ang mga employer ni Jeanelyn dahil sa maling autopsy report na inilabas ng mga ito kung saan iba naman ang lumabas sa re-autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na naiuwi na sa bansa ang bangkay nito.

Matatandaan na wala na ang ibang vital organs ni Jeanelyn nang dumating ang bangkay nito sa bansa.