Limitado lang sa 30 katao ang papahintulutan sa seremonya ng libing kay Prince Philip, ang tinaguriang “longest-serving consort” sa kasaysayan ng Britanya.
Ito’y base sa patakaran ng England pagdating sa coronavirus pandemic, maliban pa sa isasara rin sa publiko ang nasabing event.
Sa anunsyo ng Buckingham Palace, gaganapin ang funeral para kay Prince Philip sa St. George’s Chapel sa Windsor Castle sa darating na April 17.
Magsisimula ang prusisyon ganap na alas-2:45 ng hapon sa pangunguna na grenadier guards, kasama ang ilang pinuno ng military units.
Magpapakawala rin ng gun salute kasunod ng national minute’s silence eksakto alas-3:00 ng hapon bago tuluyang ihatid sa kanyang huling hantungan.
Samantala, nakatakdang bumiyahe si Prince Harry mula California para dumalo sa libing ng kanyang lolo.
Hindi nito kasama ang asawang si Meghan alinsunod sa abiso ng kanyang doktor dahil sa pagbubuntis.
Kung maaalala, nalagay sa spotlight kamakailan sina Harry at Meghan hinggil sa ilan nilang pasabog sa pamamagitan ng TV host na si Oprah Winfrey laban sa British Royal family.
Sina Prince Philip at Queen Elizabeth II ay nagkaroon ng apat na anak, walong apo, at 10 great-grandchildren, sa loob ng kanilang 73 taong pagsasama.
Nitong Biyernes nang payapang pumanaw ang Duke of Edinburgh sa edad na 99. (CNN/WashingtonPost)