-- Advertisements --

Halos tatlong buwan na mula nang maganap ang pagsabog ng Kanlaon Volcano noong Disyembre 9 nang nakaraang taon nasa mga evacuation center parin ang libo-libong apektadong residente.

Marami pa rin sa mga ito ay umaasa sa tulong ng gobyerno para sa pang-araw-araw na pangangailangan, at ang mga batang mag-aaral ay apektado narin dahil sa pagkakasara ng mga paaralan na ginawang mga evacuation center.

Ayon kay Undersecretary Ariel Nepomuceno, administrador ng Office of Civil Defense (OCD), may 8,596 indibidwal o 2,686 pamilya mula sa Western Visayas (Region 6) at Central Visayas (Region 7) ang nananatili sa 22 evacuation centers hanggang nitong Linggo, Marso 2.

Hangggang sa ngayon kasi ay nasa ilalim pa rin ng Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon, ibig sabihin ay ipinagbabawal ang anumang aktibidad sa loob ng anim na kilometro sa permanent danger zone.

Pag-amin ng ahensya na ang kalagayan ng mga residente sa mga evacuation center ay nananatiling hindi tiyak, kaya’t hindi pa nila maipabalik ang mga residente sa kanilang mga bahay.

Marami sa mga evacuees ang nakakaranas na ng stress, pagod, at pagkabigo dahil sa kawalan ng katiyakan kung kailan sila makakabalik sa kanilang mga tahanan.

Paliwang ni Nepomuceno, ‘Hindi namin kontrolado ang bulkan, at hindi namin alam kung kailan ito puputok.’

Sakabilang dako malaki na rin ang naging epekto ng Kanlaon eruption sa edukasyon, dahil marami sa mga batang evacuees ang hindi parin nakakapag-aral. Bukod dito, ang mga paaralan na ginamit bilang evacuation centers ay nakakaapekto para sa pagbabalik ng regular classess.

Ang Department of Education (DepEd) ay nagsasagawa naman ng remedial classes upang matugunan ang mga kakulangan sa pagkatuto, ngunit binigyang-diin ni Nepomuceno ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng mga bata na makabalik sa klase.

Bilang tugon sa patuloy na krisis, makikipagpulong ang OCD kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes, Marso 3, upang iharap ang kanilang mga rekomendasyon hinggil sa sitwasyon. Habang iniutos ni PBBM ang pagbuo ng isang ”National Task Force for Kanlaon” na maghahanda ng mga pangmatagalang solusyon at mga plano para sa muling pag-unlad ng mga apektadong residente.

Sinabi ni Nepomuceno na ang OCD ang mangunguna sa task force, na kinabibilangan ng mga ahensyang pampamahalaan tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Science and Technology (DOST), Presidential Communications Office (PCO), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Philippine Coast Guard (PCG).

Sa kasalukuyan, tinitingnan ng OCD ang tatlong posibleng senaryo ukol sa posibleng pagputok muli ng bulkan.

Ang pinakamalala aniya ay ang isang malakas na pagsabog, na inaasahan nilang maiwasan.

‘The OCD is looking at three scenarios right now. The worst case is a violent eruption, that we are praying would not occur. It’s likely to happen if the pressure underneath would be too much, and the magma will be spewed by the volcano violently. That would be too dangerous,’ ani Nepomuceno.

Kung mangyari ito, ang alert level ng Kanlaon Volcano ay itataas sa Level 4, na nangangahulugang sapilitang paglilikas sa 90,000 katao na nakatira sa danger zone.

Ang pangalawang senaryo aniya ay ang isang mabagal ngunit matagal na pagsabog, katulad ng nangyari sa pagsabog ng Mayon Volcano noong 2023 na tumagal ng anim na buwan. Ang pangatlong posibleng senaryo ay kung ang magma sa bunganga ng bulkan ay lumamig at tumigas.

‘It’s like a delayed eruption. Time will come where it would erupt but we don’t know when,’ dagdag pa ni Nepomuceno.

Sinabi naman ni Nepomuceno na may sapat na pondo pa ang OCD upang matustusan ang pangangailangan ng mga evacuees. Gayunpaman, ay iniisip din ng ahensya kung magiging sapat ang kanilang pondo para sa pagtugon sa mga posibleng kalamidad sa mga susunod na buwan.

Sa ngayon, nakapagbigay na ang OCD ng P223 milyong halaga ng tulong sa mga apektadong residente sa mga Region 6 at 7.