-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ini-imbestigahan ngayon ng Department of Health (DOH), National Inter-Agency Task Force at iba pang kaukulang ahensiya ang reklamo ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ukol sa libo-libong expired na reverse transcription chain reaction (RT-PCR) test kits na ibinigay ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa isang pribadong diagnostic center sa baguio City.

Ayon kay Mayor Magalong, gagamitin sana ng nasabing diagnostic center ang mga test kits nang madiskobre na expired na ang mga ito.

Aniya, may mga test kits na nag-expire noon pang October 10 at 15 at noong November.

Nakatanggap din aniya na may mga ibang LGUs at pribadong laboratory at ospital ang nakatanggap ng kaparehong dami at mga expired na test kits mula RITM.

Agad naman na inireklamo ng Contact Tracing Czar ang insidente sa DOH at sa National IATF para sa kaukulang imbestigasyon.

Hinala ng alkalde, hindi lang hundred of thousands ang mga nag-expire na test kits sa DOH-RITM.

Umaasa ito na masusing iimbestigahan ng DOH ang mga nasabing expired test kits ng RITM.

Sa ngayon, hinihintay na lamang ni Mayor Magalong ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon.