KORONADAL CITY – Umabot na sa libo-libong mga itik ang isinailalim sa culling ng City veterinarian office ng Tacurong dahil sa banta ng pagkalat pa ng Avian Influenza o bird flu sa mga lugar na malapit sa dalawang mga barangay na naitala ang sakit.
Ito ang inihayag ni Allan Freno, City Information Officer ng Tacurong City sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Aniya, ang culling ang isang pinakamabuting paraan na isinagawa upang maiwasan ang pagkalat pa ng naturang sakit sa ibon sa mga malapit na lugar sa mga barangay na una nang nakapagtala ng Avian Influenza o bird flu.
Nagsagawa na rin ng quarantine at monitoring ang City Veterenary sa mga lugar na nasa loob ng 1 kilometer radius na malapit sa mga barangay na may naitalang mga nagpositibo sa sakit sa mga itik at mga manok.
Ipinagbawal narin ang pag biyahe ng mga manok at itik palabas ng Tacurong City.
Kasabay nito, nangako rin ang Tacurong City LGU na magbibigay ng mga ayuda sa mga magsasaka at may ari ng mga itik na isasailalim sa culling process na gagawin.
Maliban pa rito, magkakaroon rin ng sampling sa mga itik na malapit sa isang duck farm na infected ng Bird Flu.
Ipinasiguro naman ni Freno na under control parin ng pamahalaan ang sitwasyon sa kabila ng mga pangyayari.