-- Advertisements --

Libo-libong katao ang nag-protesta sa bansang Kenya para labanan ang umano’y patayan na nangyayari sa mga kababaihan. Mayroon na kasing isang dosenang kaso ng pagpatay sa mga kababaihan ang nangyari nang magsimula ang taong 2024. 

Ito na ang itinuturing na pinakamalaking protesta sa Kenya laban sa gender-based violence kung saan nagtungo ang mga tao sa iba’t ibang siyudad at bayan ng naturang bansa para iparating ang kanilang mensahe.

Ito ay dinaan nila sa pagsigaw ng “Stop killing us!” at pagsulat sa mga placard ng mga katagang “End Femicide” at “We just want to live.” 

Humigit kumulang sa 500 na ang naitalang kaso ng femicide sa Kenya simula 2016 kung saan maaari pang mas mataas dito dahil sa mga hindi naitatalang kaso. Ayon sa Africa Data Hub, ang karamihan sa mga suspek nito ay kalalakihang karelasyon ng mga biktima.

Nananawagan din ang mga nag-protesta na gawin ng iligal ang kasong femicide na bukod pa sa kasong murder. Umaasa sila na magbubunga ito ng kamalayan ng mga tao at mas mahigpit na pagpapatupad ng batas na layong protektahan ang mga kababaihan.