LAOAG CITY – Inihayag ni Bombo International News Correspondent Mildred Manuel sa Iceland na inisa-isa na ng mga otoridad sa Grindavík ang mga bahay para masiguro na wala nang tao sa mga ito.
Ayon kay Manuel, ito ay dahil pa rin sa banta na anumang oras o araw ay maaaring sumabog ang bulkan.
Sinabi nito na aabot na na mahigit apat na libong katao a naapektuhan sa posibleng pagsabog ng bulkan dahilan para manatili ang mga ito sa mga evacuation centers.
Aabot rin aniya sa halos 100 lindol kada araw ang nararamdaman ng mga residente lalo na ang mga nakatira sa bahagi ng Grindavík na siyang pinakamalapit na lugar sa bulkan.
Ipinaalam pa nito na dahil sa mga lindol na nararanasan ay nagdulot ng malalaking bitak sa kalsada at sa kabahayan.
Gayunpaman, wala umanong naiulat na nasugatan o nasawi kabilang ang mga Pilipinong naninirahan sa lugar dahil sa malalakas na lindol.
Dagdag nito na dahil sa sitwasyon, ang Blue Lagoon na isang sikat na resort sa Iceland at malapit sa bulkan ay sarado mula noong Nobyembre 9 hanggang Nobyembre 16.
Una rito, idineklara ng Iceland ang state of emergency dahil sa banta ng posibleng pagsabog ng bulkan sa nabanggit na bansa.