VIGAN CITY – Libo-libong manggagawang apektado ng lockdown sa Cambodia ang natulungan ng Samahan ng mga Pilipino (SAMAPI) sa naturang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Bombo International Correspondent Romyr Libo-on na taga-Iligan City at lider ng nasabing grupo ay sinimulan na nila ang pamimigay sa mga nawalan ng trabaho sa pamamagitan ng boluntaryong kontribusyon ng mga Pilipino.
Maliban diyan, tumulong din sila sa repatriation o ang pagpapauwi sa humigit-kumulang 200 Pilipinong stranded sa nasabing bansa na sa ngayon ay hinihintay pa umano nila ang bilin ng Philippine Embassy.
Gayunman, sinabi ni Libo-on na wala namang Pilipinong naaapektuhan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa nasabing bansa dahil pawang mga dayuhan lamang umano ang nagiging biktima.
Ang naturang grupo ay mayroong 2,000 miyembro na nabuo pa noong April 11, 1992.